MAYNILA — Arestado ang isang 43-anyos na electrician matapos umanong gahasain ang 4-anyos na anak ng kanyang pamangkin sa Baseco, Manila.
Ayon kay Baseco Police Station Commander PLtCol. Emmanuel Gomez, noong January 3 unang nagkaroon ng hinala ang magulang ng biktima na may nangyaring hindi kanais-nais sa kanilang anak.
“Nagsumbong siya sa parents niya. It so happened na yung bata, simultaneously, tinuturo niya yung private part niya, na yun nga daw, hindi naman daw masakit kahit daw hawakan. So nagulat yung parents, kasi ang orientation niya doon sa bata na huwag mo papahawakin yung private part mo,” sabi ni Gomez.
Nakumpirma ng mga magulang ng biktima ang panggagahasa noong sumunod na araw kaya agad nila pina-ospital ang anak at sinumbong sa pulisya ang insidente.
“Na-alarm ngayon yung parents diba. So kinonfront yung suspect about that. Yung suspek, di raw niya uulitin,” dagdag ni Gomez.
Pinagbubugbog naman ng kaibigan at kinakasama ng ina ang suspek sa kanyang bahay, kaya na-ospital nang siyam na araw bago siya dinala sa kustodiya ng Baseco Police Station nitong Lunes.
“Ito pong mata malabo po, naapektuhan, tapos yung (tagiliran) may nabali, pag natutulog po ako lagi nasakit. Tapos yung ulo ko po, lagi pong masakit,” sabi ng suspek, na itinanggi ang krimen.
Giit niya, nakikilaba lang siya sa bahay ng biktima noong araw na bumisita siya.
Nagpaalala naman si Gomez sa mga magulang na laging bantayan ang mga anak at maging alerto sa mga senyales ng pang-aabuso.
“Huwag po natin ipagkatiwala talaga mga anak natin, kasi marami na po talagang kaso dito sa area natin, naa-abuse po because of too much trust and confidence po. It’s either po sa kapamilya, o sa mga kaibigan. So sana ho maging warning and reminder po,” sabi niya.
Dagdag niya, laging bukas ang mga himpilan ng pulisya para sa mga biktima ng pang-aabuso.